BUHÁY NA ALAB NG PAGSINTA
O buháy na alab ng pagsinta
Na banayad na humihiwa
Sa ubod nitong kaluluwa!
Yamang Ikaw sa aki’y di na iba,
Kung ibig Mo’y wakasan Mo na:
Lambong ay hawiin sa matamis na pagkikita.
O malubay na pagkadarang!
O mainam na sugat!
O matimyas na kamay!
O mayuming paghawak!
Hatid Mo sa ami’y walang hanggang buhay
At katubusan sa tanan naming utang.
Sa pagkagapi Mo’y buhay ang inihalili sa kamatayan!
O mga lamparang apoy,
Nang dahil sa Inyong ningning,
Itong malay na nasa malalim niyang yungib,
Noon ito’y bulag at minsan nang nagdilim,
Ngayo’y pinagliwanag at higit na pinag-init
Sa maririkit na hiwaga kasama ng Iniibig!
Anong giliw at anong lambing
Ng alaala Mo sa ‘king dibdib!
Dito’y tanging Ikaw ang nananahang lihim.
At sa Iyong hiningang kay sarap lasapin
Na punô ng buti’t luwalhating di malirip,
Lalo Mo pa akong dahan-dahang pinaiibig.

San Juan de la Cruz
Traducción: Marlon James Sales